WIKANG FILIPINO SA MAKABAGONG TEKNOLOHIYA

 Ang WIKA ay sumasalamin sa mga mithiin at pangarap, damdamin, kaisipan o saloobin, pilosopiya, kaalaman, karunungan, moralidad, paniniwala, at kaugalian ng mga mamamayan. Ayon kay Henry A. Gleason (1961) ang wika ay isang masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos upang magamit ng mga taong nabibilang sa isang kultura. Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong Pilipinas bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Sa kabilang banda, ang TEKNOLOHIYA o aghimuan ay ang pagsulong at paglapat ng mga kasangkapan, makina, kagamitan at proseso upang tumulong sa paglunas ng mga suliranin ng tao.Kadalasang iniuugnay ang teknolohiya sa mga imbento o gadget .

 Ayon kay Virgilio Almario, ang wika ay daynamiko, kaya naman hindi na nakapagtataka kung sa bawat pagdaan ng panahon at pagpalit ng henerasyon ay nagbabago at nadaragdagan pa ang ating bokabularyo. Maaaring maluma ang ilan sa mga salita dahil may bagong umusbong, ngunit patunay lamang ito na buhay na buhay at masigla ang ating wika. Sinasabing ang wika ay buhay at patuloy sa pagbabago sapagkat patuloy na nagbabago ang pamumuhay ng tao at iniaangkop ang wika sa mabilis na takbo ng buhay dulot ng agham at teknolohiya. Bilang wikang dinamiko, bukas ang pintuan nito sa pagbabago upang makaangkop sa mga pangangailangang pangkomunikasyon ng sambayanang gumagamit nito. Ang mga salita ay patuloy na dumarami, nadaragdagan at umuunlad sa bawat panahon. Lumalawak ang mga bokabularyo, nagbabago ang sistema ng pagsulat at palabaybayan. 

Sa makatuwid, upang magkaroon ng saysay ang isang wika, kailangang ito’y gamitin bilang kasangkapan sa komunikasyon at mapanatiling buhay at di mabaon sa limot sa paglipas ng panahon SITWASYON Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ay ang pag-unlad din ng ating wika. Kaakibat nito ang pagbabagong nagaganap sa paggamit ng wikang Filipino. Hindi maikakaila na ang mga kabataan sa makabagong panahon ay sanay na sanay sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa larangan ng pakikipagkomunikasyon. Kabilang na ang paggamit ng cellphone, tablet, laptop at iba pa. Kaya naman, isa sa mga suliraning kinakaharap ng mga guro sa loob ng silid-aralan sa kasalukuyan ay ang kakulangan sa kaalaman at kawalan ng kasanayan ng mga mag-aaral sa tamang paggamit ng wikang Filipino. Dahil nasanay ang mga mag-aaral sa pamamaraan na kanilang ginagamit dito hindi maitatangging maging sa pagbuo ng mga sulating pampaaralan ay nailalapat na rin ang mga mali at hindi angkop na salita.

Comments